Aklan News
BAHAY, NASUNOG
Libacao — Apat na haliging kahoy at ilang yerong bubong na lamang ang natira sa isang bahay matapos lamunin ng apoy sa Guadalupe, Libacao alas 6:30 kagabi.
Nabatid sa report na pagmamay-ari ng mag-asawang Edward at Josephine Fernando ang nasunog na bahay na gawa sa mixed materials.
Napag-alamang unang nakita ni Jerry Cocoy, isang residente sa lugar ang sunog na kaagad ring tumawag ng saklolo sa mga otoridad.
Wala umanong tao sa bahay nang mangyari ang sunog dahil nasa Kalibo nagtatrabaho ang ama habang nasa simbahan ang ina at 2 anak nilang dalaga at wala rin umano roon ang 11 anyos nilang anak na lalaki.
Samantala, hindi na naapula pa ng mga bombero ang sunog dahil sa bilis na paglaki ng apoy lalo pa’t nasa ‘open field’ umano ang bahay.
Bagama’t patuloy pa ang imbestigasyon, tinatayang nasa P30,000.00 ang halaga ng pinsalang iniwan ng nasabing sunog, habang wala namang napaulat na nasugatan sa insidente.