Aklan News
Bahay sa Banga, tinupok ng apoy; naiwang sinaing posibleng sanhi ng sunog
TINUPOK ng apoy ang isang bahay sa bayan ng Banga, Aklan nitong Sabado ng hapon.
Ayon kay FO1 Uriel Jay R Sucgang, fire investigator ng Bureau of Fire Protection (BFP) Banga, pagmamay-ari ni Joe Depino, 63, isang traysikel drayber ang naturang bahay.
Aniya, gawa lamang sa mixed light materials ang bahay ni Depino kung kaya’t mabilis itong nilamon ng apoy.
Sumiklab aniya ang naturang sunog bandang ala-una ng hapon.
Batay sa kanilang inisyal na imbestigasyon, posibleng dahil sa naiwang nilulutong sinaing nagmula ang sunog.
“Bale sa initial investigation naton, daya ngara nga si Mr. Joe Depino hay nagtug-on imaw tapos nagpanaw ta imaw, nalipatan na nga may ana nga naka eus-on nga tinug-on,” pahayag ni FO1 Uriel Jay R Sucgang sa panayam ng Radyo Todo.
Ayon pa kay FO1 Sucgang, maswerteng nailabas kaagad sa nasusunog na bahay ang asawa ni Depino na isang PWD.
Tinatayang aabot naman sa P68,250 ang initial damage ng nangyaring sunog kung saan nagpapatuloy pa ang imbestigasyon ng mga otoridad.
Samantala, nilinaw naman ni FO1 Sucgang kung bakit hindi nakapagresponde ang fire truck ng Banga Fire Station.
Aniya, simula noong Oktubre 6 ay naging unserviceable ang kanilang fire truck kung kaya’t nagpadala kaagad sila ng memo sa kanilang provincial office.
Pero binigyan-diin nito na kaagad namang nagresponde ang kanilang mga personnel sa pinangyarihan ng sunog upang magsagawa ng sized-up sa lugar.
“Automatic nagtawag kami sa provincial office ag nag-inform nga may sunog para sanda lang magdecide kung ano nga truck ro maka-deploy,” saad nito.
“Duyon ngani ro naka-abot nga truck iya hay ana it Kaibo Fire Station Engine 25,” pagtutuloy ni Sucgang.