Aklan News
BAHAY SA LEZO, TINUPOK NG APOY
Lezo – Tinupok ng apoy ang isang bahay alas 7:30 kagabi sa Sitio Manhapay, Agcawilan, Lezo.
Base sa inisyal na report ng BFP Numancia, walang taong naiwan sa bahay ni Mary Joy Tagua nang mangyari ang insidente dahil naroon sila sa birthday party sa ancestral house ng kanyang mister.
Subalit nagulat na lamang umano sila nang magsumbong ang kanilang pamangkin na nasusunog ang kanilang bahay.
Mangiyak-ngiyak namang ikinuwento ni Aling Mary Joy sa Radyo TODO, na wala namang nakasaksak na appliances nang umalis sila ng kanilang bahay kagabi.
Mabilis din umanong nilamon ng apoy ang kanilang buong bahay kung kaya’t nasunog lahat ng kanilang mga gamit, mga papeles, nasa 7 sakong palay, bigas, at maging perang pangbayad sa hinuhulugang motorsiklo.
Maliban sa ilang damit na naisalba, mapalad namang walang nasugatan sa nasabing insidente na patuloy pang iniimbistigahan ang sanhi.
Samantala, tuluyan namang naapula ng BFP Numancia ang apoy bandang alas 8:50 kagabi kung saan tinatayang nasa P15,000.00 ang iniwang pinsala ng sunog.
Gawa sa mixed materials ang nasunog bahay.