Aklan News
Bahay sa Makato nasunog, danyos umabot sa P1.6 milyon
Umabot sa P1.6 milyon ang danyos sa nangyaring sunog kahapon sa isang bahay sa Sitio Tigao, Brgy. Poblacion, Makato.
Batay kay SFO1 John Henry Ildesa ng Makato Fire Station, nakatanggap sila ng report mula sa isang traysikel driver na may nangyayaring sunog sa isang residential house dakong alas-3:29 ng hapon.
Nagkataon naman umano na naka standby sa Makato Public Market ang kanilang firetruck kaya agad nilang narespondihan ang lugar.
Pero pagdating nila doon ay malakas na ang apoy kaya kinailangan nila ng tulong ng Numancia Firestation.
Nagdeklara ng fire-out at tuluyang naapula ang apoy dakong alas-4:02.
Napag-alaman na ang bahay ay pagmamay-ari ng isang negosyanteng si Luvizminda Peñalosa at wala umanong tao doon nang mangyari ang sunog.
Patuloy ang imbestigasyon ng BFP sa sanhi ng sunog.