Aklan News
Bantay sa ospital na-scam ng caller na gumamit ng boses ni Willie Revillame
Hindi makapaniwala ang isang 29 anyos na babae mula sa Makato na mabibiktima siya ng scam caller.
Salaysay ng biktima, nanonood siya kahapon ng Wowowin sa Facebook live habang nagbabantay ng kanyang nanay sa ospital.
Nilagay niya sa comment section nito ang kanyang cellphone number at maya-maya pa’y may tumawag sa kanya na dinig ang boses ni Kuy Will na host ng nabanggit na tv show.
Sinabi raw nito na bibigyan siya ng P30, 000 bago ipinasa ang tawag sa kanyang staff.
Nang mapag-alaman nila na nasa ospital ang kanyang ina, nag-offer pa ang mga ito na magdadagdag ng P20, 000.
Ayon sa biktima, P4300 ang kabuuang perang naipadala niya para umano sa processing fee ng pera.
Hindi pa nakuntento ang mga ito at muling humingi ng dagdag na P10, 000 kung saan doon na niya napagtanto na nabiktima siya ng scam.
Hindi rin nito lubos maisip na mapapaniwala siya ng scam caller dahil lagi naman raw nitong napapakinggan ang tungkol sa mga scam.
Minabuti na lang nitong iparekord sa pulisya ang pangyayari para maiwasan na mabiktima pa ang iba.