Aklan News
BAR AND RESTAURANT NA ITINUTURONG PINAGMULAN NG MARAMING COVID-19 CASES SA BORACAY, INIIMBESTIGAHAN NA
Puspusan ang isinasagawang imbestigasyon ng Malay PNP hinggil sa mga posibleng paglabag sa health protocols ng bar and restaurant sa Boracay kung saan umano nagmula ang pagkalat ng COVID-19 cases.
Kinumpirma ni Malay PNP Chief PMaj Don Dicksie de Dios, na ipinag-utos ni Malay Mayor Frolibar Baustista na imbestigahan ang nasabing bar and restaurant “We are conducting an investigation doon sa mga business establishment.”
Gayunpaman, tumanggi ang hepe na pangalanan ang mga sangkot na establisyemento dahil ongoing pa ang kanilang imbestigasyon.
Posibleng managot ang pamunuan ng establisyemento kapag napatunayan na may paglabag ito sa RA 11332 o Mandatory Reporting of Notifiable Diseases and Health Events of Public Health Concern Act.
May kaugnayan dito, sinigurado ni de Dios na ginagawa nila ang lahat para maagapan ang pagkalat ng deadly virus sa isla.
Ipinunto pa nito na disiplina, konting pasensya at pang-unawa ang talagang susi para malutas ang problema na dala ng pandemya.