Aklan News
Barangay council ng Jawili, Tangalan, bumili ng lupang wala aniyang kaukulang dokumento
WALA pa ring hawak na dokumento na magpapatunay na nabili na ng Jawili Barangay Council ang 500sqm na lupa na pagmamay-ari ng pamilya Tamayo sa Tangalan.
Ayon kay Kagawad Mark Tabagon, noong nakaraang taon pa ito natapos bayaran ng konseho subalit hanggang sa ngayon ay wala pa rin silang hawak na dokumento.
Aniya pa, ang nasabing lupa ay pagtatayuan sana ng evacuation center sa kanilang barangay.
Sa pagkaka-alam umano ni Tabagon ay hindi pa rin naibibigay sa kanila ng surveyor ang mga kaukulang papeles.
Saad pa nito, package deal ang pagbili nila sa nasabing lote kung saan nangayo aniya ang may-ari ng lupa na sila na ang bahala umasikaso dito.
Napag-alaman na walang hawak na Deed of Sale at Transfer Certificate of Title ang Jawili Barangay Council kahit halos tatlong taon na ang nakalilipas.
Umaasa si Tabagon na maibigay na sa kanilang ang mga kailangang dokumento upang sa oras na may kumuwestiyon sa kanila ay mayroon silang maipapakita.
Sa hiwalay na pahayag, kinumpirma naman ni Jawili Barangay Treasurer Liezel Cahilig na bayad na ang barangay council at hinihintay na lamang nila na dumating sa kanila ang mga papeles ng lupa.