Aklan News
BARANGAY NA HINDI PA DRUG CLEARED SA KALIBO, POBLACION NA LANG
Brgy. Poblacion nalang ang natitirang barangay na hindi pa drug cleared sa bayan ng Kalibo.
Ito ay matapos na ideklarang drug free ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang Barangay Andagao at 14 pang mga barangay.
Sa panayam kay Punong Barangay Neil Candelario, ipinaliwanag niya na tapos na sana ang 147 Persons Who Use Drugs (PWUDs) sa Poblacion na sumailalim sa Community-Based Rehabilitation Program (CBRP) pero nagpadala ng bagong abiso ang PDEA na naglalaman ng listahan ng 27 bagong PWUDS sa barangay.
Ani Candelario, ang iba sa 27 pangalan na nasa listahan ay hindi naman taga Poblacion at ang iba naman ay lumipat na ng ibang lugar.
Sa kaniyang pagtatantiya, halos 16 pa mula sa nasabing bilang ang kailangan sumailalim sa CBRP.
Ikinalungkot naman nito na ang ilan sa 147 mga PWUDS na nakatapos sa CBRP ay bumalik din sa kanilang dating gawi. Gayunpaman, marami rin aniya ang mga nagbago at namumuhay na ng tahimik.