Aklan News
BAYAN NG KALIBO NANGANGAILANGAN NG BAGONG SEMENTERYO
Plano ng lokal na gobyerno ng Kalibo na bumili ng lupa upang pagtayuan ng bagong sementeryo.
Sa naging pahayag ni Mayor Emerson Lachica, sinabi nitong wala nang espasyo ang Kalibo Municipal Cemetery at Old Roman Catholic Cemetery kaya’t nangangailangan na sila ng bagong lugar.
Dagdag pa ni Lachica na sa ngayon ay ginamit na nila ang mga daanan sa Municipal Cemetery upang gawing libingan ng mga namatay dahil sa COVID-19.
Ayon pa sa alkalde na plano nilang i-konkreto ang nasabing daanan o pathway at lagyan ng lapida tanda na may nakalibing sa ilalim nito.
Hahanapan rin umano ng lokal na pamahalaan ng paraan upang mailagay sa maayos na sitwasyon ang mga pumanaw na sa kabilang buhay.
Kung matatandaan, inatasan na ng provincial government ang lahat ng mga LGU sa probinsiya ng Aklan na magkaroon ng lugar upang gawing libingan ng mga namatay dahil sa covid-19.
Samantala, aminado si Lachica na hindi siya sigurado kung nakapaloob sa Annual Investment Plan ng lokal na pamahalaan ang pagbili ng lupa para sa pagtatayuan ng bagong sementeryo.