Aklan News
BFP COVID PATIENT, WALANG HEALTH DECLARATION FORM SA HUE HOTEL
Hindi sinasara ng Malay COVID Task Force ang posibilidad na namalagi sa ibang hotel sa Boracay ang empleyada ng Bureau of Fire Protection na positibo sa COVID 19.
Sa 24 na Visitor Health Declaration forms na nakuha ng Malay PNP sa nasabing hotel, wala dito ang nakapangalan sa 26 na taong gulang na si WV 144.
Walo dito ay mga babae na kasamahan nina BFP Regional Director Sr. Supt. Roderick Aguto at 16 pang mga lalake.
Ayon sa nakuhang statement ng PNP sa pamunuan ng hotel, hindi sabay sabay ang pagpasok ng mga guest.
Kanilang diumanong binigyan ng apat na kwarto ang unang grupo ng mga BFP Officials na pumasok noong June 11 at nagpadagdag pa ang mga ito ng dalawang kwarto para sa mga kasamahang pumasok naman noong June 12.
Depensa ng Hotel, inakala nilang tulong sa Task Force ang pagbibigay ng libreang kwarto sa BFP.
Pero sa listahan sa Caticlan jetty port ay 27 na BFP personnel ang lumabas noong June 14 kung saan naroon ang pangalan ni WV 144.
Hindi naman gumagana ang Close Circuit Television o CCTV ng Hue Hotel dahil naka off ito mula nung nagsarado ang isla.
Malaking palaisipan ngayon kung may ibang hotel na kung saan namalagi sa Boracay si WV 144 at dalawa pang kasama.
Ngunit ayon naman kay Malay PNP Chief PLCol. Jonathan Pablito, nakipag ugnayan na sila sa mga security managers ng mga hotels sa Boracay at sinuyod na nila ang buong isla at hanggang sa ngayon, walang indikasyon na may ibang hotel na nagpapasok sa BFP noong June 12 to 14.
Malaki aniya ang posiblidad na itinago ng pasyente at ng kanyang kasamahan ang pagkakakilanlan at travel history sa declaration form dahil alam niya at nang kanyang kasamahan na mali ang paglabas niya sa quarantine facility sa Iloilo at pagtungo sa Boracay.
Sa ngayon ay humihingi na ng tulong sa Regional Inter Agency Task Force ang Malay IATF na tulungan sila sa pagkumbinsi kay WV 144 na sabihin ang totoong naging aktibidad nito sa Boracay para mapadali at matapos na ang contact tracing.
Dahil sa kanilang patuloy na pagtangging pag disclose ng impormasyon na kailangan para sa contact tracing, kakasuhan ang COVID patient WV144 at kanyang mga kasamahan ng paglabag sa Section 9 ng RA 11332.