Connect with us

Aklan News

BGY. KAGAWAD, INEREKLAMO NG PAMBUBUGBOG AT PANUNUTOK NG BARIL

Published

on

Inireklamo sa Kalibo PNP station ng pambubugbog at panunutok umano ng baril ang isang barangay kagawad ng Poblacion, Kalibo.

Nakilala sa police report ng Kalibo PNP ang inireklamong si barangay kagawad Kim Melgarejo sa legal na edad, at ang nagreklamong si John Ang, 42 anyos, pawang residente ng Poblacion, Kalibo.

Sa panayam ng Radyo Todo kay Ang, sinabi nito na nakatayo lamang siya kagabi sa labas ng isang computer shop sa Rizal St.pasado alas 8:00 kagabi nang dumating si kagawad kasama ang tanod na si Erik Ureta.

Kasunod nito, bigla na lamang umano siyang nilapitan ni Melgarejo at binugbog sa hindi nalamang dahilan.

Iginiit din ng biktima na tinututukan siya ni kagawad ng baril habang binubogbog siya nito, at pinapanood lamang umano ng nasabing tanod na si Erik Ureta.

Dahil dito, sakit sa katawan ang inabot ng biktima na kaagad namang nagpablotter sa estasyon ng pulis.

Dismayado naman ang biktima nang hindi naman umano nirespondehan ang kanyang reklamo at pinayuhang ireto na lamang sa barangay ang nasabing insidente.

Patuloy namang sinisikap ng himpilang ito na makunan ng pahayag ang inireklamong si Melgarejo.

Samantala, nakapanayam din ng Radyo Todo si Poblacion Barangay Captain Neil Candelario kaugnay ng insidente, kung saan tiniyak nito na magiging patas ang kanyang imbistigasyon sa kaso ng kanyang kagawad.