Aklan News
BIDA BILL, PASADO NA SA COMMITTEE LEVEL NG KONGRESO


Nakalusot na ang BIDA Bill sa committee level ng kongreso sa nangyaring joint meeting ng Committee on Government Enterprises and Privatization and the Committee on Local Government ngayong araw.
Nakumbinsi ni ACT-CIS Party-list Rep. Eric Go Yap, principal co-author ni Cong. Paolo Duterte sa isinusulong na Boracay Island Development Authority (BIDA) Bill, ang mga kasamahan nito sa komite na ipasa ang Government-Owned and Controlled Corporations (GOCC) version ng bill.
Sinabi niya na huwag dapat silang matakot sa pagbabago dahil walang mangyayari sa bansa kung lahat ay takot dito.
“I urged the committee to pass this bill. Huwag tayong matakot dun sa sinasabi natin na GOCC kasi sa totoo lang lahat tayo natatakot tayo sa pagbabago. Kaya walang nangyayari sa bansa natin dahil lahat tayo takot baguhin,” saad nito.
Nauna nang nagpahayag ng pagtutol sa BIDA bilang GOCC ang mga political leaders sa Aklan na sina Gov. Joeben Miraflores, Cong. Carlito Marquez, Cong Ted Haresco at LGU Malay. Komontra din ang DBM, DTI, DILG at Boracay Inter Agency Task Force kung saan sinusulong nila na gawin lang na regulatory ang BIDA.
Ayon kay Cong Yap, naiintindihan niya ang lokal na gobyerno pati na ang gobyerno nasyonal pero hindi na dapat pang patagalin ito at palampasin ang pagkakataon na maging GOCC ang BIDA.
“Naiintindihan ko po yung local government, naiintindihan ko rin yung national government sa mga concerned nila. Pero ang sa akin ang tagal na nitong Boracay na to, hindi nabago ito until nagbago ng Presidente. Nakita ng taong bayan na nagbago, luminis kaya naman pala. Ngayon mayroon tayong golden opportunity through Cong. Paolo Duterte na nakaisip gawing GOCC itong BIDA Bill. So bakit natin hahayaang makalagpas itong opportunity na ito na once in a lifetime lang darating sa buhay natin,” saad pa ni Yap.
Matapang din na sinabi ni Yap na hindi ito tatakbo sa anumang posisyon sa gobyerno kapag pumalpak ang GOCC na BIDA Bill, “I will not run in any political position kung papalpak po itong GOCC na BIDA Bill.”
Naniniwala ang kongresista na mas gaganda pa ang Boracay kapag ito ay naging isang GOCC kung saan pamamahalaan ito ng isang mas efficient at professional na grupo na hindi naiimpuwensyahan ng mga aksyong politikal.
“Maganda po yung ginawa nila sa Boracay pero itong gagawin natin ay kasama pa rin po sila dito, mas pagtitibayin lang po natin, mas pagagandahin lang po natin ang Boracay”, dagdag ni Yap.
Siniguro rin nito na hindi maapektuhan ng BIDA Bill ang LGU at walang mababawas sa kinikita nito, “Hindi po to makakasama sa Boracay and it will not affect the LGU, wala pong income ng government ang mababawas. Kung ano po ang mayroon sa LGU dati, makukuha pa rin nila.”
Pahayag niya, ang mahalaga lang ngayon ay ang mabago nila ang pamamalakad sa isla. “Don’t get me wrong sa mga LGU’s, naiintindihan ko po kayo, alam ko po yung pagmamahal nyo sa Boracay. Gusto ko lang po sana na ipaliwanag po na mahal din po namin ang Boracay,” paliwanag ni Yap.
Dinagdag pa ni Cong. Yap na maari pa namang magpahayag ng kanilang pagtutol sa plenaryo at sa Senado ang mga komokontra dito.
Matatandaan na personal na nagtungo sa Boracay sina Cong. Yap at Cong. Duterte para magkaroon ng dagdag na kaalaman ukol sa sitwasyon sa isla at maipaliwanag ng husto kung bakit kailangan ng Boracay island na maging isang Authority.