Connect with us

Aklan News

Bigas sa Capiz para sa mga 4Ps sa Capiz ayon sa ilang konsehal ng Roxas City

Published

on

ROXAS CITY – Nais ngayon ng ilang konsehal sa lungsod na ito na bumili ang gobyerno ng bigas sa mga lokal farmers sa Capiz para sa mga miyembro ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) dito.

Ito ay kapag naaprubahan na ng gobyerno nasyonal ang panukalang palitan ng bigas ang perang ibinibigay sa mga miyembro ng 4Ps.

Ayon kay Senador Cynthia Villar, may akda ng panukalang batas, layunin umano nito na matulungan ang mga local farmers na maiangat ang kanilang kabuhayan.

Sa kanyang privilege speech sa session ng Sangguniang Panglungsod, pinahayag ni Konsehal Trina Ignacio na makakatulong ang gobyerno kung ang bibilhing bigas para ipamahagi sa Capiz ay dito rin manggagaling.

Nag-aalala kasi ang lokal na opisyal na ang bibilhing bigas para sa Capiz ay manggagaling pa sa ibang probinsiya. Aniya nasa 1800 mga magsasaka ang meron sa Capiz.

Sang-ayon naman ang ilang Konsehal sa intensiyon ni Ignacio.

Nilinaw pa ng konsehala na batay sa komunikasyon niya sa Senado, ang panukala ay naglalayon lamang palitan ng bigas ang rice subsidy ng mga miyembro ng 4Ps. Mananatili umano na pera ang ibibigay para sa kanilang health grant at educational grant.

Matatandaan na una nang nagpahayag ng pagtutol si Konsehal Jericho Celino sa nasabing panukala sa Senado sa paniniwalang ang buong benipisyo ng mga miyembro ng 4Ps ay papalitan ng bigas.