Aklan News
BILANG NG PUMs SA AKLAN UMAKYAT SA 1137, PINAKAMATAAS SA BUONG WESTERN VISAYAS
Kalibo, Aklan – Umakyat na sa 1137 ang bilang ng mga Persons Under Monitoring (PUM) sa Aklan batay sa pinakabagong datos na inilabas ng Regional Disaster and Management Council sa Iloilo City.
Ang Antique naman ay nakapagtala ng 244; 237 sa Capiz; 107 sa Guimaras; 1042 sa Iloilo Province; 554 sa Negros Occidental; 122 sa Bacolod City; at 230 sa Iloilo City.
Sa isang panayam, sinabi ni Dr. Mary Jane Juanico, head ng Infectious Diseases Section ng DOH6 na dumami ang bilang ng PUMs dahil marami ang nagsiuwian nang magpatupad ng community quarantine sa Metro Manila.
Kaugnay nito, ipinahayag ni Juanico na tumaas rin sa 71 ang mga Patients Under Investigation (PUIs) sa Western Visayas mula sa dating 65.
Nagnegatibo na ang 44 sa COVID-19 at na-discharge na ng ospital habang ang 16 ay naka-admit pa sa ospital at hinihintay na lang ang resulta ng test.
Sa pinakahuling datos, naitala na ang kabuuang 3,673 na Persons Under Monitoring (PUMs) sa Rehiyon VI.
Ang Persons Under Monitoring (PUM) ay ang mga taong may travel history sa China o nagkaroon ng physical contact sa mga nagpostibo sa COVID-19 pero walang pinapakitang sintomas ng sakit kaya’t kinakailangan sumailalim sa 14-day quarantine.
Samantala, ang Patients Under Investigation (PUIs) naman ay ang mga taong may travel history sa China, nagkaroon ng physical contact sa mga nagpostibo sa COVID-19 at nakitaan ng sintomas ng coronavirus gaya ng ubo, sipon at lagnat.
Source: Aksyon Radyo Iloilo