Aklan News
BINATILYO, NAGBIGTI MATAPOS ‘DI NABILHAN NG CELLPHONE PARA SA MODULE


Hindi parin makapaniwala ang isang ina na wala na ang kanyang 18-anyos na anak matapos itong magbigti dahil lang sa hindi umano nabilhan ng cellphone, Linggo ng gabi sa Muguig, Banga.
Sa ekslusibong panayam ng Radyo Todo sa ina ng grade 10 student, ikinuwento nito na bago nangyari ang pagbibigti ng biktima ay hiniling nito sa kanya na ibili siya ng cellphone para gamitin sa pagsagot ng module ngayong Lunes.
May tatlong linggo na umano itong naglalambing sa kanya at nagpapabili ng cellphone kaya’t sinikap niya na maghanap ng pera at mangutang sa iba dahil walang-wala rin sila at naglalabada lang siya.
Nakapag-ipon na umano sila ng P5000 dakong alas-3 ng hapon nitong Linggo pero kulang pa ito kaya’t sinabihan siya nito na ibalik nalang ang pera sa kanilang hiniraman at titigil nalang ito sa pag-aaral.
Umalis ito ng bahay at nakapag-inuman saka kinagabihan ay umuwing lasing.
Ikinagulat na lamang ng ina nang matagpuan ang kanyang anak na nakabitay sa bahay ng kanyang ate gamit ang kurtina.
Nabatid na ang biktima ay responsable at desidido umanong makapagtapos ng pag-aaral lalo pa’t nais umano siya nitong patigilin na sa paglalabada.
Nanawagan ng tulong ang ina dahil hindi nila kayang ipalibing ang anak sapagkat wala naman silang permanenteng trabaho at wala ring iba pang malapitan.
Nauna nang nagpaabot ng tulong ang Radyo Todo Aklan sa mag-anak at sa mga may mga mabubuting puso na nais pang magbahagi ng kaunting tulong, maaari kayong makipag-ugnayan sa pamilya (Ellen Brunio, 09309996712).
NOTE: Kung may problema ka at gusto mo ng kausap, maaari kang tumawag sa:
National Center for Mental Health Crisis Hotline (NCMH-USAP) sa 0917-899-USAP (8727) o sa 7-989-USAP (8727).
Hopeline PH 24/7 hotlines:
0917-558-4673 (Globe)
0918-873-4673 (Smart)
2919 (toll-free for Globe and TM)