Aklan News
BONNA AMBAY KILLING: Nanay ni Mark Torrefiel, nakakatanggap ng mga pagbabanta, nanawagan sa anak na sumuko na
Nawagan ang nanay ng person of interest (POI) na si Mark Archie Torrefiel sa kanyang anak na sumuko na sa mga otoridad.
Sa ekslusibong panayam ng Radyo Todo sa ina ni Torrefiel, sinabi nito na nakakatanggap na sila ng mga pagbabanta sa kanilang buhay ngayong patuloy na pinaghahanap ang kanyang anak na tumakas.
Marami rin aniya ang nagtatanong sa kanila kung nasaan ang kaniyang anak na itinuturong person of interest sa pagpatay kay Bonna Hercia Ambay, ang reliever branch manager ng RD Pawnshop na natagpuang duguan at patay nitong Lunes ng umaga.
Kinumpirma rin ng nanay ng POI na dati nang natokhang ang kanyang anak na ipinasok niya sa rehabilitation center ng isang taon at kalahati.
Aniya si Mark ang tipo ng anak na hindi lumalapit sa kanila kapag nagkaproblema dahil ayaw niyang madamay sila.
Panawagan niya sa anak, “Kung halimbawa na naririnig mo ako, kung pwede sumurrender ka nalang, sumuko ka nalang kasi ginawa mo yang krimen na yan, kailangan mong panagutan sa batas yan. “
Dagdag pa niya, “Tutulungan ka pa rin namin pero kailangan mong lumantad ka kung ano yung ginawa mo para pati kami maayos naman yung sitwasyon namin, hindi kami madamay…
“Kung saan ka man ngayon kung pwede humarap ka na sa ginawa mong kasalanan kasi konsensya mo pa rin ang maniningil sayo niyan, hindi ka pwedeng magtago habang buhay,” pagtatapos niya.