Aklan News
BORACAY DINAGSA NG MGA TURISTA NGAYONG DISYEMBRE, PINAKAMATAAS NA ARRIVALS SA GITNA NG PANDEMYA NAITALA
Dinagsa ng 113,596 na mga turista mula sa iba’t-ibang panig ng bansa ang sikat na isla ng Boracay sa buwan ng Disyembre.
Ito ang maituturing na pinakamataas na bilang ng tourist arrival na naitala ng Malay Tourism Office sa panahon ng COVID-19 pandemic simula January 2020.
Mula sa nabanggit na bilang na naitala nitong Disyembre, 49,185 o 43% ang mula sa Metro Manila.
https://www.facebook.com/photo/?fbid=292347932929487&set=a.230083762489238
Umabot naman ng 81,886 o 72% ang bumiyahe sa eroplano batay pa rin sa datos ng Malay Municipal Tourism Office.
Ayon kay Malay tourism officer Felix delos Santos, ang pagtaas ng bilang ng tourist arrivals sa Disyembre ay dahil sa panahon ng holiday season at mga pamilyang nagdesisyon na magpasko at bagong taon sa isla.
Posible rin aniyang epekto ito ng paghagupit ng bagyong Odette sa ilang sikat na tourist destination sa bansa tulad ng Siargao Island at Puerto Princesa sa Palawan.
Mula Nobyembre 16, pinayagan na ang mga fully vaccinated tourist na mamasyal sa Boracay kahit wala nang ipakitang negative swab test results.
Sa ngayon, nananatili pa ring maluwag ang travel restrictions sa Boracay Island sa kabila ng banta ng bagong Omicron variant at pagtaas sa Alert Level 3 sa National Capital Region.