Aklan News
Boracay tourist arrival nabawasan ng 26K nitong Agosto
Sumadsad sa 157,338 ang bilang ng mga tourist arrival sa buwan ng Agosto, mas mababa ito ng mahigit 26,000 kung ikukumpara sa nakaraang buwan ng Hulyo na umabot sa 183,096.
Batay sa pinakabagong tala ng Malay Municipal Tourism Office, malaki ang ibinawas ng mga domestic tourist na mula sa 160,259 noong Hulyo ay naging 132,820 na lang.
Bumaba rin ang mga bumisitang overseas Filipino Workers (OFW) sa 4909 mula sa 6107 noong Hulyo.
Gayunpaman, tumaas naman ang mga foreign arrivals ng halos 3000 dahil mula sa dating 16,730 ay naging 19,609 ito nitong Agosto.
Nalagpasan nito ang record high na nailista sa nakaraang buwan.
Sa datos naman ng Department of Tourism (DOT) Region 6, pumalo na sa 1.17 million ang kabuuang tourist arrivals simula Enero ngayong taon hanggang Agosto 27, 2022.
Mula sa nabanggit na bilang, 390,157 ang galing sa National Capital Region; 231,227 ang mula sa Region 6 (Western Visayas), 207,162 sa Region 4-A (Calabarzon) at halos 78,000 ang galing sa abroad kabilang ang mga OFW. MAS