Aklan News
BORACAY TOURIST ARRIVAL SA UNANG BUWAN NG 2022, SUMADSAD SA 35K
Bumagsak sa 35,799 ang bilang ng mga turistang bumisita sa isla ng Boracay sa unang buwan ng taong 2022.
Mula sa nasabing numero, 14,728 ang taga sa National Capital Region (NCR), 7935 sa Western Visayas, 6,638 ang sa CALABARZON at may iba pang lokal na turista galing sa ibang lugar sa bansa.
Kung titingnan ang datos ng Malay Tourism Office, malayo ang mahigit 35,000 tourist arrival nitong Enero kung ikukumpara sa 113,596 tourist arrivals noong nakaraang buwan ng Disyembre 2021.
Ayon kay Malay Tourism Officer Felix Delos Santos, simula nang gawing requirement ang negative RT-PRC result ay bumagsak na ang tourist arrival sa isla.
Mula sa dating 3,000 hanggang 4,000 tourist arrival sa loob ng isang araw ay bumaba ito sa 300 hanggang 400.
Samantala, inaasahang muling tataas ang tourist arrivals sa mga susunod na araw kasunod nang pagtanggal kahapon sa negative RT-PRC result bilang requirement sa mga fully vaccinated tourists batay sa Executive Order No. 001-A Series 2022 ni Aklan Governor Florencio Miraflores.
Kung pupunta sa Boracay, ang turistang fully vaccinated ay kailangan na lamang magpakita ng vaccination certificate na maaaring makuha sa vaxcert.doh.gov.ph o ang vaccination card na may QR code na inisyu ng mga lokal na pamahalaan.
Mahigpit pa rin ang pag monitor ng mga otoridad sa seguridad ng buong isla. MAS/RT