Aklan News
Boracay tourist arrivals patuloy na bumababa
Patuloy pa rin sa pagbaba ang bilang ng mga turistang nagbabakasyon sa isla ng Boracay.
Sa buwan ng Setyembre, nakapagtala lang ang Malay Tourism Office ng kabuuang 122, 373 tourist arrivals.
Mas mababa ito ng 34,965 kung ikukumpara sa nakaraang buwan ng Agosto na nasa 157, 338.
Kapansin-pansin din ang pagbaba ng bilang ng mga foreign tourist na nasa 12,513 na lang kumpara sa 19,609 noong Agosto.
Ito na ang pinakamababang bilang ng tourist arrivals simula Abril.
Noong Abril, may nasa 186, 751 na tourist arrivals ang Boracay, 193,650 sa Hunyo, 183,096 sa Hulyo, 157,338 sa Agosto at 201, 368 naman noong Mayo, ang pinakamataas na naitala simula ngayong taong 2022.
May kaugnayan dito, nitong Biyernes, Setyembre 30 ay inanunsyo ng LGU Malay na simula Oktubre 3, libre na ang environmental at admission fee para sa mga batang limang taong gulang pababa sa lahat ng nationality na papasok sa isla ng Boracay.
Ito ay batay sa inilabas na abiso ng Office of the Municipal Treasurer alinsunod sa Municipal Ordinance No.494, series of 2022.