Aklan News
BUDGET NG DPWH-AKLAN PARA SA REPAIR AND MAINTENANCE NGAYONG TAON, TINAPYASAN NG P9-MILLION
TINAPYASAN ng halos kalahati ang budget ng Maintenance Division ng Department of Public Works on Highways (DPWH) –Aklan para sa taong kasalukuyan.
Sa panayam ng Radyo Todo kay Engr. Joey Ureta, Head ng Maintenance Division ng DPWH–Aklan, sinabi nito na noong 2021 ay nasa P18-million pesos ang kanilang annual maintenance budget subalit sa ngayon ay naging 9 million pesos nalang.
Aniya, dahil dito ay sisikapin niya na lamang na pagkasyahin ang nasabing budget para sa mga repair at maintenance ng mga kalsada at tulay sa lalawigan ng Aklan.
Ang breakdown ng nasabing budget ay mapupunta sa labor cost, equipment cost, fuel cost at material cost ng proyekto.
Ayon pa kay Ureta prayoridad ng kanyang departamento ang mga kalsada at tulay sa probinsiya.
Binigyan-diin nito na ang nasabing budget ay nakalaan lamang para sa maintenance at wala pa silang budget para sa mga construction ng mga bagong proyekto ng DPWH-Aklan.
Dagdag pa ni Ureta na mayroon silang planning values na sinusunod kung saan iba ang halaga para sa tulay at iba rin ang para sa kalsada.
Samantala, inihayag ni Engr. Ureta na temporaryo lamang ang kanilang ginawang hakbang para sa nasirang seawall sa bahagi ng Brgy. Tambak, New Washington dahil sa kawalan ng budget.