Connect with us

Aklan News

Carlo Asturias ng Radyo Todo, nag-piyansa sa kasong estafa

Published

on

Kalibo, Aklan – Sinalubong agad ng CIDG Aklan si Katodo Carlo Asturias para dakpin sa kasong Estafa pagkatapos mismo ng programang Todo Birada nitong Huwebes.

Nag-ugat ang reklamo sa tatlong kasong isinampa sa kanya ng negosyanteng si Gloria Arce noong 2007.

Ayon kay Asturias, kasong libel, robbery at estafa ang sinampa sa kanya ni Arce na noon ay kilala sa pagpapa-utang sa Roxas City.

Pero nadawit umano ang pangalan ni Arce sa mga drug lords at illegal gamblers sa Roxas City kaya’t naging paksa ito sa radyo nang siya ay nagtatrabaho pa bilang anchorman sa DYVR RMN Roxas.

Pahayag ni Asturias, binatikos niya sa radyo si Arce dahilan na sinampahan siya nito ng 3 counts of libel na kalaunan ay na dismiss din sa korte.

Dagdag pa ni Asturias, napasama siya sa raid na isinagawa ng mga kapulisan sa bahay ni Arce nang matunugan ng mga ito na ‘hinohold’ nito ang mga droga sa kanyang bahay sa tuwing di nakakabayad ng utang sa kanya ang mga drug lords.

Pero nang i-raid ang kanyang bahay ay nagkataon na wala siya doon kaya lahat ng pulis at iba pang media na sumama ay kinasuhan ng robbery.

Natanggap ni Asturias at ng raiding team ang warrant of arrest sa robbery anim na buwan palang ang nakalipas at nakapag-piyansa siya rito.

Samantala, ikinagulat niya ang warrant of arrest sa kasong estafa dahil wala aniya siyang natanggap na subpoena mula sa piskalya para makasumite ng counter affidavit.

Naniniwala naman ang kilalang brodkaster na kinasuhan siya ni Arce dala ng galit nito sa pambabatikos sa kanya sa ere.

Ayon pa kay Asturias, inaasahan na niya ang ganitong mga mangyayari sa kanya sa pagiging mediaman at paglaban sa mga kriminal at katiwalian.

Boluntaryo pa niyang iprinisinta ang sarili sa ibang media para makuha ang kanyang panig ng kwento ngunit walang nagpa-unlak ng panayam sa kanya.

Gayunpaman, mabilis na nakalaya si Asturias matapos na makapag-piyansa ng P12, 000.00 sa korte.