Aklan News
Ceres bus at multicab naggitgitan sa daan; mga driver nagkainitan at nauwi sa panununtok
Nauwi sa gulo ang gitgitan ng mga driver ng ceres bus at multicab sa kahabaan ng Osmeña Ave., Brgy. Estancia, Kalibo dakong alas-6:41 ngayong umaga.
Sa impormasyong nakalap ng Radyo Todo, parehong papuntang direksyon ng Banga ang bus at multicab.
Pagdating umano sa lugar ay parehong tumigil sa pagmaneho ang dalawang driver at bumababa sa kanilang mga sasakyan para mag komprontahan.
Pahayag ng ceres driver na si Ronald Apocero, nag-overtake umano sa kaniya ang multicab at biglang tumigil saka bumaba ang driver na may bitbit na tubo.
Doon na rin ito bumaba na nagdahilan ng kanilang bangayan sa daan ngunit hindi naman umano sila nagkasakitan.
Ayon naman kay Richard Cerezo, miyembro ng Kalibo Auxillary Police na umawat sa dalawa, bumaba ang multicab driver na may hawak na tubo habang kahoy naman ang bitbit ng ceres driver.
Umamba umano ng suntok ang multicab driver na tumama sa pisnge ni Apocero na nagpumilit ring gumanti.
Dagdag pa ng KAP, agad ring naawat at naagaw sa dalawa ang kanilang mga bitbit kaya hindi na nila ito nagamit.
Nagresponde naman ang mga pulis sa nangyaring insidente.