Aklan News
Chief tanod, sinuntok at sinaksak pa ng screw driver
Sugatan ang isang chief tanod matapos saksakin ng screw driver sa Sitio Pinamunitan, Lalab, Batan.
Maliban sa pananaksak, sinuntok din umano ang biktimang si Wilfredo Alejandro Salazar, habang arestado naman ang mga suspek na sina Dave Francisco, at Sherwin Armogela, lahat sa legal na edad, at residente ng nasabing lugar.
Base sa imbestigasyon ng Batan PNP, nagmomotorsiklo noon ang biktima kasama si Kagawad Prezil Villaruel, nang makita nito si Charles Francisco, anak ng suspek na si Dave Francisco, na naobserbahan nitong lasing habang nagmomotorsiklo.
Kaagad umano niya itong hinintuan at sinabihang mag-ingat sa pagmamaneho at hinatid sa kanilang bahay si kagawad Villaruel.
Ilang sandali pa, dumating sa labas ng bahay ni kagawad ang lasing na suspek na si Dave at tinanong si Wilfredo kung ano ang sinabi nito sa kanyang anak. Hindi na umano nakasagot ang biktima dahil biglang binunot ng suspek ang screw driver sa kanyang beywang at inundayan ng saksak ang biktima, na tinamaan naman sa kaliwang braso.
Samantala, bigla na lamang din umanong dumating ang suspek na si Armogela, at sinuntok sa kaliwang pisngi ang nasabing chief tanod.
Kaagad namang naaresto ng Batan PNP ang mga suspek, habang dinala at ginamot sa Altavas District Hospital ang biktima.