Aklan News
CHINESE ESTABLISHMENTS SA BORACAY, NAGSASARADO NA
Kalibo, Aklan – Halos lahat ng mga Chinese restaurants sa Boracay ay nagsarado na dahil wala namang mga turista.
Ito ang pahayag ni Boracay Liaison Officer Peter Tay ng Chinese Embassy Manila.
Sa eksklusibong panayam ng Radyo Todo kay Tay, sinabi nito na nag-alsabalutan na pabalik ng China ang ibang mga negosyanteng Chinese sa isla.
Nagsiuwian na rin aniya pati na ang mga tsinong nagtatrabaho at matagal nang naninirahan sa isla.
“They felt like they are no longer welcomed here in the island.” ani Tay.
Hindi aniya tiyak kung kailan sila babalik o pwedeng magbukas ulit dahil wala pang kasiguraduhan kung kailan babawiin ng gobyerno ang travel ban.
Hindi lang umano ang mga negosyo sa Boracay ang nagsara kundi pati sa ibang lugar sa bansa dahil sa epekto ng travel ban dahil sa novel coronavirus.
Umapela si Tay sa publiko na huwag nang magpalabas ng mga fake news ukol sa coronavirus na makakasira sa Boracay Island na isa sa mga sikat na destinasyon sa mundo.
Umabot sa 2 milyong tourist arrivals ang naitala sa Boracay nitong nakaraang taon at 25% nito ay dominado ng mga Chinese.