Aklan News
COASTGUARD, NANINDIGAN NA AGAD SILANG NAGSAGAWA NG SEARCH OPERATION SA NAWALANG BANGKA GALING BORACAY
Nanindigan ang Philippine Coast Guard (PCG) Caticlan na ginawa nila ang makakaya para mahanap ang apat na pasahero ng bangkang “Honey” na lumubog sa karagatang sakop ng Boracay at Romblon.
Sa panayam ng Radyo Todo kay Commander Jose B. Jacinto ng PCG Caticlan, sinabi niya na agad silang naghanda at nagsagawa ng search operation nang makatanggap ng report mula sa pamilya ng mga biktima.
Pero kulang raw ang binigay na impormasyon sa kanila ng nagreport kaugnay sa lumubog na bangka.
“Wala namang nabanggit sa amin si Sir Matore kung ano talaga yung nangyari don sa bangka, kung missing because nag-take shelter sila, walang signal, or missing kung may nasabi po ba last na usap nila nung family kung nagka-engine problem po ba.
“Base sa report nila is alleged missing bangka kasi hindi pa nakakarating sa destination nila, so hindi po namin alam kung its either nagre-route po sila doon sa area na yon kasi kung nagreroute, dun kami sa area kung saan sila,” paliwanag ni Jacinto.
Ikinuwestiyon din niya kung bakit nag cater pa ng pasahero ang nasabing bangka at umalis ng walang clearance mula sa PCG.
Matatandaan na Martes na natagpuan sa Palawan at nailigtas ang nag-iisang survivor na si Rolito Casidsid sa lumubog na bangkang Honey noong araw ng Sabado, Disyembre 4.
Samantala, hanggang ngayon ay hindi pa rin nakikita ang katawan ng tatlong kasamahan nito na aniya’y binawian ng buhay habang nasa gitna sila ng dagat. RT/MAS