Aklan News
Commissioner sa Boracay, balik-kulungan matapos matimbog sa drug buy-bust ops
BALIK-KULUNGAN ang isang commissioner matapos mahuli ng mga awtoridad sa ikinasang drug buy bust operation sa Sitio Bolabog, barangay Balabag, Boracay Island, Malay, Aklan.
Kinilala ni PCapt. Condrado Espino, Team Leader ng Malay PNP ang inaresto na si Niño JR Suñer, 34-anyos at residente ng Barangay Baybay sa bayan ng Tangalan.
Aniya, noong Nobyembre ng nakaraang taon pa nila tinatransaksiyon si Suñer ngunit madulas ito kaya’t hindi ito mahuli-huli.
Pahayag pa ni Espino, sa bayan ng Kalibo nagmumula ang iligal na droga na ibinebenta ni Suñer at pinapadala ito sa kanya sa pamamagitan ng parcel.
Karamihan sa mga costumer nito ay ang mga bar sa Boracay.
Nakuha sa kanya ang dalawang plastic sachet ng suspected shabu kapalit nga P1,000 na buy bust money.
Samantala, sa isinagawang body search, narekober pa sa kanya ang dagdag na pitong sachet ng hinihinalang shabu.
Napag-alaman na dati na ring nakulong ang naturang suspek dahil sa kaparehong aktibidad noong 2016 sa Tangalan at nakalaya lamang noong taong 2019.
Sa ngayon ay nasa kustodiya na ng Malay PNP ang suspetsado at mahaharap sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2022.