Aklan News
Councilor Luces, dumipensa sa alegasyon sa socmed na binayaran ang mga judge sa Kalibo Atifest 2024
DUMIPENSA si Kalibo SB member Ketchie Luces sa mga paratang sa social media na binayaran ang mga judge na kinuha sa street dancing competition ng Kalibo Ati-Atihan Fesival 2024.
Sa panayam ng Radyo Todo kay Councilor Luces, sinabi niya na marami siyang natanggap na mga screenshot ng mga post na nagsasabing may dayaan sa Ati-Atihan lalo na sa naging resulta ng Tribal Big Category.
“Pagkabasa ko eagi kato, ako ta ro nasakitan dahil to think mayroon nga asawa it sangka judge nga nagmessage kakon ag duyon ngani para man kanda hay nasakitan man siguro sanda nga makabasa it mawrato nga comment o post dahil ro honorarium ngani it anang asawa ngato hay uwa na inbaton para makabulig,” saad nito sa Radyo Todo.
Ipinaliwanag niya na 21 ang mga judge na kinuha para sa Ati-Atihan Festival at bawat isa sa mga ito ay may kredibilidad at hindi basta-basta.
Maging ang LGU Kalibo umano ay inakusahan ng isang Facebook user ng pandaraya.
Kaugnay nito, itinanggi rin ng Vikings na hindi nila miyembro ang nasa likod ng naturang post at tanggap na nila ang kanilang pagkatalo.
Nilinaw rin ng mga ito na iniingatan nila ang kanilang pangalan at hindi sila humahabol sa pagkapanalo dahil bonus lang umano ito at mas mahalaga sa kanila ang debosyon kay Sr. Sto. Niño.
Kasunod nito, humingi rin ng paumanhin si Luces sa mga nadamay na grupo sa nasabing isyu.