Aklan News
COUNTER CASE IHAHABLA VS. PAMPANGO, LIBACAO KAPITAN DALA AT SEKRETARYO NITO RE: PAMBUBUGBOG KAY VINCENT SISON
Maghahabla na counter case ang tiyuhin ni Vincent Sison, ang 35-anyos na lalaking pinagtulungang bugbugin ni Pampango, Libacao Punong Barangay Andriano Dala at sekretaryo nitong si Allan Francisco nitong Disyembre 13.
Sa panayam ng Radyo Todo kay Uno Sison, tiyuhin ni Vincent sinabi nito na balak nilang kasuhan din si kapitan Dala at iba pang kasamahan nito sa walang habas na pagbugbog kay Sison.
Aniya dahil sa nangyari ay nagkaroon ng trauma ang kanyang pamangkin kung saan nasa pangangalaga niya ngayon sa barangay Tambak, New Washington.
Kahapon ay dinala niya ito sa ospital upang mabigyan ng karampatang paggamot dahil idinadaing umano ni Vincent na sumasakit ang kanyang dibdib.
Saad pa nito na gagamitin nila ang medical certificate sa kanilang paghahabla ng kaso laban kay punong barangay Dala.
Hindi aniya binigyan ni kapitan ng due process si Vincent kung saan matapos ang insidente ay sinampahan pa siya ng kasong Direct Assault Upon A Person in Authority na kaagad naman na piniyansahan ng kanyang tiyuhin upang makalaya.
Nag-ugat ang nasabing kaso kung saan ina-akusahan si Vincent na sinira nito ang spring water tank na pagmamay-ari ng barangay.
Subalit ayon sa nakakatandang Sison ang lugar kung saan nakapuwesto ang nasabing tangke ng tubig ay pagmamay-ari ni Vincent dahil ito’y minana niya sa kanyang yumaong mga magulang.
Isinalaysay nito na sa nabangit na araw, naabutan ng nakababatang Sison ang kanyang pala-isdaan na wala nang tubig kung saan sa kanyang pag-usisa ay nakita niya ang nasabing tangke ng tubig at dahil sa pagkabigla at galit ay itinaob niya ito.
Matapos nito ay tutungo sana si Vincent sa kanilang barangay hall upang magreklamo ngunit sa daan pa lamang siya ay tinambangan na siya ng tatlong katao na kinabibilangan ng kanilang sekretaryo na si Allan Fracisco at dalawang kasamahan nito na sina Jhony Fritz Bering at Rey-an Tubao.
Batay umano sa kwento ng kanyang pamangkin ay pinatulungang bugbugin siya ng tatlong kalalakihan kalagitnaan ng alas-7 hanggang alas-8 ng umaga.
Dahil sa ginawang pambubogbog, nakaramdam ng pagkahilo si Vincent at nagpasyang magtungo muna sa bahay ng kanyang tiyahin upang magpahinga.
Bandang alas 11 ng umaga ay nagpasya na itong umuwi ng kaniyang bahay subalit nakita nito si Kapitan Dala dahilan na tumakbo ito palayo sa takot na kung ano pa ang mangyari sa kanya.
Ngunit hindi ito nakaligtas dahil hinabol ito ng grupo nila Francisco at muling pinagtulungang kastiguhin kasama na si kapitan Dala.
Sinuntok sa dibdib at pinalo pa ng kahoy ni Kapitan Dala si Vincent habang nakaposas na ang mga kamay.
Bukod dito, sinipa pa siya ng nasabing grupo at walang awang hinila.
Sinabi pa ng tiyuhin ni Vincent na nakakalungkot lang dahil sa katunayan ay biktima lang din ang kanyang pamangkin ngunit ito pa ang kanilang kinasuhan at sinaktan pa.
Kung nakagawa man umano ng kasalanan si Vincent ay sana idinaan sa tamang proseso at hindi sa panggugulpi. Samantala, napag-alaman na magpinsan lamang si Vincent Sison at kapitan Andriano Dala.