Aklan News
COVID-19 POSITIVE SA LEZO, ITINANGGING SUMUWAY ITO SA QUARANTINE PROTOCOLS
PINABULAANAN ng repatriated Overseas Filipino Worker (OFW) sa Lezo ang mga alegasyong sumuway siya sa quarantine protocols mula nang dumating siya sa Aklan noong May 26.
Sa panayam ng Radyo Todo sa nasabing OFW, sinisi nito ang LGU Lezo sa pagpapauwi sa kanya sa kanilang bahay gayong hindi pa tapos ang kanyang quarantine at hindi pa lumalabas ang resulta ng kanyang COVID-19 test.
Iginiit niya na dapat patapusin muna nila ang 14-day quarantine ng mga OFWs bago pauwiin sa kanilang bahay para mag home quarantine.
Kwento ng OFW, kasama siya sa second batch ng mga repatriated OFWs, pagdating sa Aklan, dinala muna sila sa Aklan Training Center para sa briefing bago dineretso sa Metro Sky Hotel kung saan siya unang nanatili.
Matapos ang dalawang araw, inilipat umano siya ng LGU Lezo sa Discovery Boracay Hotel.
Pitong araw silang nanatili sa naturang hotel at pagdating ng June 2 ay pinauwi na sila sa kani-kanilang bahay para mag quarantine.
Pag-alis nila sa hotel, dumiretso sila sa center ng Lezo para sa briefing bago hinatid sa kanilang bahay.
Ayon pa sa OFW, hindi siya nagkaroon ng physical contact sa kanyang nanay at tatay pagdating.
May sarili rin siyang kwarto pero sabay silang kumakain at iisang CR lang ang kanilang ginagamit kaya’t nag-aalala ito para sa kanyang mga magulang.
Itinanggi niya na nakapunta siya sa Bugasungan kung saan kumain umano siya ng batchoy pati na ang mga alegasyong nakapunta siya sa Kalibo at namili sa Citymall.
Hindi rin totoo na vendor ang kanyang ina sa Numancia Public Market pero sinabi nito na maaaring nakapunta sya doon para mamili.
Iginiit niya na June 7 lang siya nakalabas papunta sa bahay ng kanyang mga kaanak, ito rin ang mismong araw na nalaman niyang nagpositibo siya sa sakit.
Sa ngayon ay kasalukuyan siyang naka quarantine sa Aklan Provincial Hospital at asymptomatic o hindi nagpapakita ng anumang sintomas ng COVID.