Aklan News
Dahil sa maingay na motor lalaki sinaksak ng kanyang kuya, umawat na pinsan nadamay pa
Nang dahil sa maingay na motorsiklo, nag-away ang dalawang magkapatid na lalaki na humantong sa pananaksak kagabi dakong alas-10:30 sa Bakhaw Norte, Kalibo.
Kinilala ang suspek na si Reymar Buyoc, 31-anyos at ang nakababata nitong kapatid na biktimang si Renz Buyoc, 25 anyos.
Napag-alaman na nagkaroon ng diskusyon ang magkapatid na Buyoc kaugnay sa paulit-ulit na ginawang ingay ni Renz sa kaniyang motorsiklo.
Pinagalitan umano ni Reymar ang kapatid na nauwi sa matinding argumento sa pagitan ng dalawa.
Narinig ng kanilang pinsan na si Arnel Arevalo ang away ng magkapatid kaya umawat ito at nadamay sa gulo.
Sinasabing nakakuha ng kutsilyo si Reymar at sinaksak si Arnel sa likurang parte ng kanyang hita at sinaksak din ang kapatid nitong si Renz kaliwang bewang.
Samantala, agad ding nagresponde ang MDRRMO Kalibo at dinala ang mga biktima sa Aklan Provincial Hospital habang naaresto naman ng Kalibo PNP ang suspek na ngayon ay nakakulong sa Kalibo Municipal Police Station.