Aklan News
DAHIL SA PAGTRANSPORT NG KAHOY NA WALANG PERMISO, 2 ARESTADO
Arestado ang dalawang lalaki kahapon sa Albasan, Numancia dahil umano sa pagtransport ng kahoy na walang permiso.
Nakilala ang mga naarestong sina Rex Legaspi, 49 anyos ng Bubog, Numancia, traysikel drayber, at Arnel Ramiro, 30 anyos ng Albasan, Numancia, isang construction worker.
Ayon sa Numancia PNP, itinimbre umano sa kanila ng concerned citizen ang pagtransport ng kahoy ng dalawa, na kaagad naman nilang pinuntahan
Naabutan din umano nila sa lugar ang dalawa habang karga sa traysikel ang 6 na piraso ng Acacia na nasa 120 board feet, at tinatayang nagkakahalaga ng P3,000.00.
Sa pag-uusisa ng mga otoridad, wala umanong naipakitang papeles ang dalawa, kung kaya’t kinumpiska ang mga nasabing kahoy.
Kasalukuyan namang nasa kustodiya ng Numancia PNP ang dalawa, habang inihahanda ang kasong paglabag sa PD 705 (Section 77) o Revised Forestry Code of the Philippines na isasampa laban sa kanila.