Aklan News
DAHIL SA TUMAWID NA HAYOP, 4 NA SASAKYAN NAGKARAMBOLA
Balete, Aklan – Parehong nagtamo ng pinsala ang 4 na sasakyan matapos magkarambola alas 8:30 kagabi sa Aranas, Balete.
Kaugnay nito, kinilala ni Police Chief Master Sergeant Jhonel Quitong ng Balete PNP ang mga driver ng mga naaksidenteng sasakyan na sina Zheena Rose De Jesus Balbastro, 41 anyos ng Arevalo, Iloilo City na driver Ford SUV; Marvin Gervacio Zarsa, 42 anyos ng Estancia, Kalibo na driver ng Hyundai Sedan; Joleven Mahinay Sabanal, 27 anyos ng Lag-it, Tayasan, Negros Orriental na driver ng Isuzu aluminum van; at Wilson Ong Suaboksan, 52 anyos ng Pastrana St., Poblacion, Kalibo na driver naman ng Toyota Revo.
Base sa imbestigasyon ng Balete PNP, parehong papunta sa direksyon ng Kalibo ang mga sasakyan nang nagmenor ng takbo hanggang huminto ang Ford SUV dahil huminto ang isang sasakyan sa kanyang unahan dahil sa tumawid na hayop.
Dahil dito, nag full stop din ang sumusunod na Sedan subali’t bumangga umano sa SUV matapos namang mabangga ng sumusunod na wing van.
Dagdag pa nito, bumangga rin ang Toyota Revo sa wing van na kumaladkad naman sa Sedan na bumangga naman sa SUV.
Matapos ang insidente, pansamantalang na impound sa Balete PNP Station ang mga sasakyan para sa karampatang disposisyon.
Wala namang malubhang nasugatan sa insidente, maliban sa pasahero ni Suaboksan na sinasabing sumakit ang kaliwang braso dahil sa nasabing banggaan.