Connect with us

Aklan News

DALAWANG CONVICTED NA NAKALAYA DAHIL SA GCTA, SUMUKO SA BALETE PNP

Published

on

Photo|Web

Balete, Aklan – Dalawang convicted na nakalaya dahil sa GCTA ang sumuko kaninang umaga sa Balete PNP Station.

Ayon sa Balete PNP, unang sumuko bandang alas 9:00 kaninang umaga si Rex Bernardo Quindong, 54 anyos ng Sitio Maeobog, Calizo, Balete.

Sa kanyang pagsuko, dala ni Quindong ang kanyang Certificate of Discharge from Prison (B.C Form No.7) mula sa Bureau of Corrections, Leyte Regional Prison, Abuyog, Leyte na may petsang December 17, 2018 na nilagdaan ni CSSupt. Danilo C. Dador.

Sumunod namang sumuko bandang alas 10:50 kaninang umaga si Sherlito Del Rosario Bautista, 55 anyos, tubong Sitio Tagaytay, Feliciano, Balete at kasalukuyang residente ng Sitio Dawog, Pudyot, Tangalan.

Dala rin nito ang kanyang Certificate of Discharge from Prison (B.C Form No.7) mula sa Bureau of Corrections, Iwahig Prison and Penal Farm na may petsang March 12, 2019 na pirmado ni CSSupt. Arturo N. Sabadistro.

Ayon pa sa Balete PNP, parehong may kasong Robbery with Homicide ang dalawa noong taong 1988.

Pareho rin umano silang nagpahayag na kusang isumite ang kanilang mga sarili para sa re-investigation kaugnay sa Memorandum on Monitoring of the Released Convicted Prisoners of Heinous Crimes through GCTA o Good Conduct Time Allowance.

Idinukumento ng Balete PNP ang dalawa at pinayuhang isuko at irehistro ang kanilang sarili sa Bureau of Corrections sa loob ng 15 araw.