Aklan News
DALOY NG TRAPIKO SA KALIBO-NUMANCIA BRIDGE BUMIGAT SA UNANG ARAW NG MAS STRIKTONG MGCQ
Nagdulot ng matinding trapiko sa bahagi ng Kalibo-Numancia Bridge ang mahabang pila ng sasakyan sa unang araw ng pagpapatupad ng mas mahigpit na Modified General Community Quarantine (MGCQ) restrictions sa probinsya.
Ayon kay PLt.Col Belshazzar Villanoche, nagbigay muna sila ng konsiderasyon sa ilang residente na walang dalang travel pass dahil unang araw palang naman ng pagpapatupad ng Executive Order No. 005-C ng gobernador.
Hindi pa raw kasi nagbibigay ng travel pass ang ibang LGU dahil kagabi lang lumabas ang EO.
Pero nilinaw nito na hindi na sila muling makakapasok kapag non-essential o hindi importante ang kanilang lakad, “Sa mga uwa it importante nga pamanaw sa Kalibo hay indi eon magpanaw iya sa Kalibo.”
Para naman sa mga nagtatrabaho sa Kalibo, kailangan lang na magpakita ng employment ID o certification mula sa kani-kanilang employer bilang patunay na dito sila nagtatrabaho.
Muling ipinaalala ng mga awtoridad sa publiko na huwag nang lumabas ng bahay kung hindi naman mahalaga ang lakad o bibilhin.
Naglabas ng EO No. 005-C ang gobyerno probinsyal dahil sa lumulobong kaso ng nakakahawa at nakakamatay na sakit sa Aklan.