Aklan News
Dapat isama ang land titling sa mga programa ng BIDA
NABABAHALA si SP Member Esel Flores ng second district ng Aklan na baka tuluyan nang mawalan ng karapatan sa kanilang lupa ang mga tax declaration lang ang pinanghahawakan kapag naitatag na ang Boracay Island Development Authority o BIDA.
Kaya panawagan nito na sana ay maisama sa gagawing batas ang programa sa land titling sa mga kwalipikadong patituluhan ng mga lupa sa isla.
Si Flores ang Chairman ng Committee on Tourism at Laws sa Sangguniang Panlalawigan at sya rin ang nagrerepresent dito ng Bayan ng Malay.
Samantala , wala pa umanong ‘stand’ ang kanyang komite kung pabor o hindi sila hinggil sa pagtayo ng BIDA.
May kaugnayan ito sa urgent request ni Gov. Florencio Miraflores na magpasa ng resolusyon ang Sangguniang Panlalawigan na suportahan ang House Bill 7256 ni Aklan first district Congressman Carito Marquez.
Sa tingin ni Flores, ang HB 7256 ang napiling suportahan ni Gov. Miraflores dahil aniya hindi masyadong nawala ang local government autonomy sa Boracay kung ikukumpara sa iba pang proposed house bills.
Hindi pa magarantiya ni Flores kung magbibigay suporta ang buong Sangguniang Panlalawigan sa HB 7256 dahil magsasagawa pa sila ng Joint Committee meeting ngayong linggo.
Pagsasamahin pa nila ang mga input, findings at mga rekomendasyon sa isinagawang committee hearing nitong nakaraang linggo bago siya gumawa ng committee report sa plenaryo sa susunod na linggo.
Pero aniya, suportahan man nila ito o hindi ay posibleng matuloy parin ang pagtatayo ng BIDA dahil isa ito sa panawagan ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang nakaraang State of the Nation Address o SONA.