Aklan News
DATI NANG NATIKLO SA ILEGAL NA SUGAL, ARESTADO ULI SA PAGBU-‘BOOKIES’
Arestado ang isang babae na dati nang nahuli dahil sa ilegal na sugal matapos umanong mag-bookies sa Small Town Lottery o STL.
Sa isinagawang joint anti-illegal gambling operation ng CIDG Aklan, Kalibo PNP at Provincial Intelligence Group, naaresto ang suspek na si Jona Menese, 31-anyos ng Purok 2 C.Laserna St., Poblacion, Kalibo.
Sa nasabing entrapment operation, narekober sa suspek ang P3,470.00 na pera kasama ang P20.00 na marked money, at 14 na piraso ng kotehong may mga number combinations.
Kasunod nito, pansamantalang isinailalim sa kustodiya ng CIDG Aklan ang suspek habang inihahanda ang karampatang kaso na isasampa laban sa kanya.
Nabatid na naaresto rin noong Oktubre ng nakaraang taon sa Albasan, Numancia si Menese dahil umano sa ilegal na Lucky 4 number games, subalit nakapagpiyansa .