Aklan News
DEMOLISYON SA MGA RESIDENTIAL HOUSES SA PUBLIC RESERVED LANDS SA BORACAY, PINAHINTO NA NI DENR SECRETARY CIMATU
PINAHINTO muna ni Environment Secretary Roy Cimatu ang demolisyon sa Boracay matapos umapela ang mga residente dahil sa kawalan ng relocation site at matinding hirap na nararanasan nila ngayong pandemya.
Inimbitahan kahapon sa SB session ng Malay si CENRO Rhodel Lababit matapos makarating sa mga kinauukulan ang hinaing ng mga residente na pasok sa 25 plus 5 meter easement rule o no-build zone.
Agad na nagsagawa ng pulong nitong martes ang mga kinauukulan subalit nabatid na walang inihandang relocation site ang lokal na pamahalaan para sa mga residente na posibleng mawalan ng tahan ngayong nalalapit na ang pasko.
Nakarating naman ang apela ng mga ito sa Boracay Inter-Agency task Force at nagdesisyon si DENR Secretary Roy Cimatu na ipagpaliban ang demolisyon sa mga maliliit na residential houses at unahin na muna ang malalaking commercial establishments.
Nabatid na mayroon pang 20 na commercial establishments at 70 residential houses sa Sitio Malabunot at Tambisaan na hindi pa nag comply sa 25 plus 5 meter easement rule.
Dahil sa takot, nagsimula nang mag-demolish ang ilang residente sa Brgy. Manocmanoc matapos makatanggap ng notice to self-demolish mula sa DENR.
Nakapaloob sa sulat na dapat mag self-demolish na ang mga ito sa loob ng 15 araw at kung hindi ay kakasuhan sila ng paglabag sa PD 705 o Revised Forestry Code of the Philippines.
Kaya umapela ang mga ito na huwag na munang ipagpatuloy ang demolisyon lalo na at hirap na hirap sila ngayon dahil karamihan sa mga ito ay nawalan ng trabaho sa pagbagsak ng turismo sa isla.