Aklan News
DEPED-AKLAN HINDI KAILANGANG MAGPATUPAD NG CLASS SUSPENSION
Hindi kailangang magsuspinde ng klase ang Department of Education (DepEd) – Aklan.
Ito ang pahayag ni Dr. Miguel Mac Aposin, Schools Division Superintendent ng DepEd-Aklan kaugnay sa memorandum ni DepEd Undersecretary for Curriculum and Instruction Diosdado San Antonio na ang mga opisyal ng regional offices at school division office ay maaaring magsuspinde ng klase dahil sa patuloy na pagtaas ng bilang ng mga naitatalang bagong kaso ng COVID-19.
Ayon kay Dr. Aposin, batay sa kanilang napag-usapan ng mga guro, hindi na nila kailangang magsuspendi ng klase dahil mayroon silang magandang sistema ng distance learning sa lalawigan ng Aklan.
Aniya, mas nangibabaw ang opinyon ng mga guro na na huwag na magkaroon ng class suspension dahil kaunti na lamang ang natitirang buwan para sa pagtatapos ng school year ngayong taon.
Dagdag pa nito na kung sakaling magsuspinde sila ng klase, magkakaroon na naman ulit sila ng adjustment sa kanilang school calendar upang matiyak na ang bilang ng mga araw ng klase ngayong school year ay sakop pa rin ng minimum na 220 days.
Gayunman, sakaling magpatupad man ng suspension sa kanilang mga klase ang mga regional offices at school division office ay hindi dapat na lalampas ng dalawang linggo.