Connect with us

Aklan News

DILG AKLAN: 75-Day Road Clearing 2.0 ipatutupad sa lahat ng pampublikong daanan

Published

on

File Photo/Mary Ann Solis/Radyo Todo

Kalibo, Aklan – Ipinahayag ni Department of Interior and Local Government (DILG-Aklan) Provincial Director Engr. Carmelo Orbista na ipapatutupad sa lahat ng pampublikong daanan ang road clearing 2.0 ng DILG.

Ito ay kasunod ng Memorandum Circular 2019-121 na una nang ipinag-utos ng ahensya nitong nakaraang taon at dahil na rin sa kabiguan ng lokal na pamahalaan na masustena ang programa.

Nabatid na ang mga municipal LGU lamang ang sakop ng road clearing version 1.0 ngunit sa bagong labas na kautusan ay saklaw na pati ang provincial government at barangay level.

Dahil dito, kasama na sa road clearing ang national road, provincial road, municipal at mga barangay roads.

Maaalala na naglabas ng Memorandum Circular 2020-027, si DILG Secretary Eduardo Año na inaatasan ang lahat ng mga local government units na ipatupad ang road-clearing directive at matiyak na napapanatili ang nasabing programa.

Sinabi ni Orbista na mayroon lamang 75 araw ang lokal na pamahalaan para gawin ang pagpapaluwag at paglilinis ng mga kalsada na nagsimula noong February 15 at magtatapos sa April 30.

Ang naturang hakbang ng ahensya ay kaparte aniya ng utos ni Pangulong Rodrigo Duterte na mabawi ang lahat ng mga pampublikong mga daanan.