Connect with us

Aklan News

District hospital at P10M COVID facility, itatayo sa bayan ng New Washington

Published

on

File Photo: New Washington Aklan/Facebook

Magtatayo ng isang District Hospital at P10 million COVID facility sa bayan ng New Washington.

Kinumpirma ito mismo ni New Washington Mayor Jessica Panambo sa panayam ng Radyo Todo.

Sinabi ng alkalde na napag-usapan sa katatapos lang na League of Municipalities of the Philippines (LMP) ang ang tungkol sa Universal Health Care at ang paglalagak ng district hospitals.

Iminungkahi niya umano na ilagay sa New Washington ang district hospital para sa mga bayan ng Kalibo, Banga, Balete at New Washington para mas malapit o accessible ito sa mga karatig bayan na sinang-ayunan naman ng kanyang mga kasamahan.

Target na itayo ang ospital sa taong 2024 at walang magiging gastos rito ang LGU dahil sagot ito ng Department of Health (DOH).

Bukod pa sa ospital, magtatayo rin ng COVID facility sa bayan na may pondong sampung milyon.

Ayon sa alkalde, handa na ang budget para rito pero hinahanapan pa nila ito ng lugar na akmang pagtayuan.

Balak rin nila na itabi ito sa itatayong district hospital na posibleng ilagay sa Brgy. Mataphao.

Kasalukuyang bukas na rin at tumatanggap na ng mga nagpapacheck-up ang Rural Health Unit (RHU 2) sa bayan kaya hindi na kailangan ng mga residente na dumayo pa sa RHU 1.