Connect with us

Aklan News

DOT, naglaan ng P8M pondo para sa swab test ng Boracay Tourism workers

Published

on

NAGLAAN ng P8 milyong pondo ang Department of Tourism (DOT) para sagutin ang gastos sa reverse transcription-polymerase chain reaction (RT-PCR) test ng halos 4,000 mga tourism workers sa Boracay.

Ayon kay Tourism Secretary Bernadette Romulo-Puyat, paraan nila ito para siguraduhin na ligtas ang mga turista na nais bumisita sa muling pagbubukas ng isla.

“By supporting RT-PCR testing among workers in Boracay, the Department reiterates that safety is the unparalleled priority in reopening domestic tourism. We want to restore confidence amongst travelers and protect their health and well-being as our tourism workers get their livelihood back,” pahayag ni Puyat nitong Lunes.

Magmumula ang pondo sa Tourism Promotions Board (TPB) ng DOT.

Ayon kay Dionisio Salme, chairman ng Boracay Foundation Inc, malaki ang maitutulong nito sa mga empleyado at employers lalo na at inaasahan nilang dadami pa ang turista na bibisita sa isla.

Ang RT-PCR test sa Western Visayas ay nagkakahalaga ng P4,000 at mandatory sa mga empleyado ng tourism industry.

Prayoridad sa swab test ang mga crew ng bangka, frontline workers, mga empleyado sa hotel, resort at mga restaurants.

Binuksan ang Boracay Island noong June 16 para sa mga turista mula sa Western Visayas at tumanggap na rin ng mga bakasyunista mula sa GCQ areas mula October 1 pero matumal pa rin ang bilang ng mga tourist arrivals.

Batay sa tala ng Municipal Tourism Office, 658 lang ang bilang ng mga nagbakasyon sa isla mula October 1 hanggang October 11. Karamihan sa mga ito ay mula sa Aklan na umabot sa 324, sinundan ng mga taga Metro Manila na 289 at iba pang mula sa Antique, Iloilo at Capiz.