Aklan News
DPWH-AKLAN HIHINGI NG EMERGENCY FUND SA PAGSASA-AYOS NG GUMUHONG BAHAGI NG NATIONAL HIGHWAY SA BARANGAY UNIDOS, NABAS
Hihingi ng emergency fund ang Department of Public Works and Highways upang mas mabilis na masolusyunan at maayos ang bahagi ng national highway sakop ng Sitio Musdak, Unidos, Nabas.
Ayon kay Engr. Joey Ureta, Chief Maintainance Division ng DPWH Aklan na kailangan nilang magkaroon ng pondo upang mapadali ang pagsasa-ayos ng nasirang bahagi ng kalsada nang hindi na mahirapan ang mga bumabiyahe.
Aniya, hindi ito kasama sa 2022 budget ng kanilang ahensiya kasi hindi nila inaasahan ang naturang insidente.
Bagamat passable na ngayon ang nasabing kalsada, under monitoring pa rin ito dahil hindi pa nila natitiyak kung gaano kalaki ang naging pinsala nito.
Napag-alaman na dahil sa nasirang box culvert kaya gumuho ang bahagi ng kalsada.
Ipinaliwanag ni Engr. Ureta, na nagkaroon ng butas ang nasabing box culvert dahil sa malakas na bugso ng tubig mula sa mga kabundukan.
Dahil dito ay na-wash out ang pundasyon sa ilalim ng kalsada na naging dahilan upang bumigay ang bahagi nito at nagkaroon ng sink hole.
Matatandaang pansamantalang hindi madaanan ang bahagi ng nasabing national highway dahil sa nangyari.
Pahayag pa ni Engr. Ureta na kaagad silang rumesponde sa lugar kung saan pansamantalang tinambakan muna nila ng lupa ang gumuhong parte ng kalsada upang kahit papaano ay magamit ito.
Sa kabilang banda, lubos naman ang pasasalamat ni Engr. Ureta kay Mayor James Solanoy at sa lokal na gobyerno ng Nabas sa agarang pagtugon para sa masolusyunan ang naturang problema.