Aklan News
DRA. LUCES SA ISYUNG HINDI PAGPAPASOK NG MEDIA SA OSPITAL: “OUR COORDINATION WITH THE MEDIA HAS NEVER BEEN STOP”
Nilinaw ni Dr. Leslie Ann Luces, Acting Chief of Hospital na kahit kailan ay hindi natigil ang ugnayan at koordinasyon ng Aklan Provincial Hospital sa mga media sa Aklan.
Sa katunayan aniya ay kasama nila ang media sa pakikipaglaban ngayong pandemya dulot ng COVID-19.
Ayon pa sa doktora “very valuable’ ang ginagampanan ng media lalo na pagdating sa information dissemination dahil kahit sa ibang bansa ay naipapaabot ng media ang mga balita.
Saad pa nito na ang lahat ng detalye at impormasyon sa ospital ay bukas para sa publiko.
Pahayag pa ni Dra. Luces na hindi pinagbabawalan ang mga media sa Aklan Provincial Hospital subalit ipinapatupad lamang nila ang Data Privacy Act.
Ginagawa lamang ito ng pamunuan ng ospital upang maprotektahan ang mga pasyente.
Dahil din sa pandemya ay naging mahigpit ang ospital sa kanilang rules and regulations upang maprotektahan din ang kaligtasan ng mga pasyente at staff ng ospital laban sa COVID-19.
Samantala aminado rin si Dra. Luces na hindi perpekto at may mga pagkukulang sila sa kanilang implementasyon kaya lubos naman silang humihingi ng pag-unawa para dito.
Napag-alaman na noong mga nagdaang taon pa ay nililimitahan na ng provincial hospital ang pagkuha ng mga litrato at videos lalo na kung walang pahintulot ng mga pasyente at hospital staff.
Matatandaan nitong mga nakaraang araw ay naging mainit ang usapin tungkol sa hindi umano pagpapapasok ng media sa Aklan Provincial Hospital.
Kaugnay nito, ipinasiguro ni Dra. Luces na magtatakda sila ng isang kwarto upang gawing Media Relation Room kung saan dito maa-access ang lahat ng mga impormasyon at detalye na kinakailangan ng mga miyembro ng media gayundin na bukas ang kanilang linya sa ano mang nais malaman ng media at publiko.