Aklan News
Drayber at operator sa Aklan, “excited” na sa modern jeepney
NAGPAHAYAG ng kasabikan si Edgar Igcasenza, presidente ng Malinao Lezo Transport Drivers Cooperative sa bago at modernong mukha ng papasadang jeep sa lalawigan ng Aklan.
Ayon kay Igcasenza, kung siya ang tatanungin, bukas na bukas ay gusto na niyang magkaroon nito.
Ito’y dahil naranasan niya mismo ang kagandahan nito makaraang mag-offer sa kanila ng unit ang mga dealer para mag-road test.
“Kaeayo-eayo ta ro kinaeain, dahil brand new ta raya,” saad ni Igcasenza.
“Lahat sila ‘yon nagpresinta kung pwede sa kanila kami kumuha o bumili,” dagdag nito.
Subalit ayon kay Igcasenza, hindi pa rin sila maka-usad sa PUV modernization program dahil wala pa silang Local Public Transport Route Plan (LPTRP).
Magugunitang, nanawagan ang mga transport sector sa Aklan na madaliin na ng provincial government ang pagproseso ng kanilang LPTRP dahil handa na ang lahat ng kanilang requirements para sa LTFRB at LGUs para sa implementasyon ng nasabing programa.
Ikinuwento rin nito na mayroon na silang pending loan sa bangko na nagkakahalaga ng mahigit P150-million pesos kung saan ito ang kanilang gagamitin pambili ng modern jeepney.
Sa tantiya ni Igcasenza, ang kanilang pera ay makakabili ng 20 unit ng bagong jeepney.
Kapag magkaroon na aniya ng implementasyon ng PUV modernization program sa lalawigan ng Aklan magiging kada oras ang pagtatrabaho ng kanilang mga tsuper.
Mula kasi sa kanilang kasalukuyang 42 units ng jeepney ay papalitan na ito na 20 units na siyang papasada sa western district ng Aklan.
Kaya hiling ngayon ng mga drayber at operator sa provincial government, madaliin na ang pagproseso ng kanilang LPTRP upang makapagsimula na sila at makapag-adjust sa modernisasyon.
Napag-alaman na sa pagpapatupad ng PUV Modernization Program, magiging moderno na ang disenyo ng mga nakasanayan nating jeepney kung saan mayroon na itong CCTV at gagamit ng beep card tulad ng mga MRT at LRT.