Connect with us

Aklan News

Drayber ng e-trike sa Boracay sa viral post ng isang pasahero, pagpapaliwanagin sa opisina ng Malay Transportation

Published

on

PAGPAPALIWANAGIN ng Malay Transportation Office ang drayber ng e-trike sa Boracay na nag-viral matapos i-post ng isang pasahero dahil sa hindi magandang pakikitungo nito.

Ayon kay Mr. Ryan Tubi, Officer-In-Charge ng Malay Transportation Office, nakatakdang magharap ang nasabing pasahero at drayber ng e-trike sa araw ng Miyerkules.

Aniya, ito lamang ang kaisa-isang reklamong natanggap nila sa kasagsagan ng pagdagsa ng tao sa isla kasunod ng Love Boracay 2023.
Kaagad umano nilang inaksyunan ang reklamo ng naturang pasahero kung saan na-trace nila kung sino ang e-trike supplier nito.

“Isa malang ni nga complain ang nabaton, ang ini ngani ang na-post sa social media. So pagkabaton namon kabie, na-aksyunan man dayon. Dahil ngani holiday kita today until tomorrow, so mga Wednesday maatubang sa opisina ang complainant ag ang driver,” wika ni Tubi.

Batay sa Facebook post ng nasabing pasahero, nagpahatid ito kasama ang kanyang asawa at anak sa Cagban ngunit habang nasa biyahe sila ay bigla na lamang umanong nagreklamo ang naturang driver dahil malayo na ito.

Nais umano silang pababain ng driver ngunit tumanggi sila dahil alanganin ang naturang lugar at mahirap na silang makahanap pa ng ibang masasakyan.

Dahil dito ay panay umano reklamo ng drayber at nagbitaw pa ito ng masasamang salita patungkol sa kanila.

Kung kaya’t idinaan niya na lamang sa pagpost sa Facebook ang kanyang galit at pagkadismaya sa nasabing e-trike driver.

Samantala, ipinasiguro ni Tubi na kaagad nilang ina-aksyunan ang mga ganitong uri ng reklamo lalo na ng mga pasahero sa isla ng Boracay.