Aklan News
DRSTMH, naglabas ng opisyal na pahayag kaugnay sa reklamo ng isang ina na may naiwan umanong gasa sa kanyang pwerta matapos manganak sa ospital


Naglabas ng opisyal na pahayag ang Dr. Rafael S. Tumbukon Memorial Hospital (DRSTMH) kasunod sa social media post ng isang 23-anyos na ginang na nagsabing may lumabas umanong gasa mula sa kanyang pwerta matapos manganak sa nasabing ospital.
Batay sa DRSTMH, na-admit ang pasyente sa OB 2 Ward at ligtas na nanganak ng sa pamamagitan ng normal spontaneous vaginal delivery. Dahil sa naging punit o laceration, isinagawa ang vaginal packing sa pasyente para pigilan ang pagdurugo pagkatapos manganak.
Noong Hunyo 1, 2025, bandang 2:30 ng hapon, napansin ng pasyente ang isang dugong gasa na lumabas mula sa kanyang pwerta.
Ayon sa ospital, alas-6:30 ng gabi lamang ito naiulat sa nurse-on-duty ng mga kasama ng pasyente. Alas-10:40 ng gabi, agad isinagawa ng doktor ang internal examination. Sinuri agad ang pasyente ng doktor at binigyan ng karampatang gamot
Pinalabas sa ospital ang pasyente sa maayos na kalagayan noong Hunyo 4, habang sa inoobserbahan naman ang sanggol dahil sa jaundice.
Giit ng DRSTMH, walang naganap na medical negligence o malpractice at siniguro ng ospital na sinunod ang clinical protocols.
Nananawagan naman ang ospital sa publiko na i-verify ang impormasyon at iwasan ang pagpapakalat ng maling detalye na maaaring makasira sa reputasyon ng mga medical professional.
Hinihikayat nila ang sinumang may reklamo na dumaan sa tamang proseso alinsunod sa hospital protocols at medical ethics.