Aklan News
DTI AKLAN, WALA PANG DIREKTIBA SA PAGMONITOR NG PRESYO NG MGA FACE SHIELD
Wala pa umanong direktiba ang DTI Aklan sa pagmonitor ng mga presyo ng faceshield kaugnay ng obligadong pagsusuot nito sa mga pampublikong sasakyan sa darating na Sabado, August 15.
Ayon kay DTI Aklan Chief Ma. Carmen Iturralde, hindi nila ito ‘jurisdiction’ kundi ng DOH o Department of Health, base umano sa nakasaad sa Price Act o RA 7581.
Ayon kay Iturralde, nakasaad umano sa nasabing Price Act na may limang ahensya ang nagpapatupad ng mga presyo, halimbawa ang Department of Agriculture kung agricultural products; Department of Health kung mga medical supplies and medicines; Department of Environment and Natural Resources para sa mga kahoy at iba pang forest products; habang ang DTI o Department of Trade and Industry naman para sa mga manufactured goods katulad ng noodles, sardinas at kape; at DOE o Department of Energy naman para mga kerosene at LPG.
Idinagdag ni Iturralde na bago pa lamang ang produktong face shields, kung kaya’t wala pa ito sa listahan ng mga tinatawag na basic necessities and prime commodities, base na rin sa nakasaad ss RA 7581.
Magkaganon paman, sinabi pa ni Iturralde na tumutulong na rin sila sa taga Department of Health kaugnay sa pagmonitor sa presyo ng mga face shield, simula pa nitong nakaraang Huwebes, August 6, kung saan kinumpirma nito na nagkakaubusan na nga ng mga faceshield.
Sa kanilang monitoring, nabatid na sa 32 stores o tindahan, 8 umano rito ang nagtitinda ng face shields, kung saan 5 sa 8 ito ang ubos na ang stocks.
Samantala, wala pa naman umanong inilalabas na SRP o Suggested Retail Price ang DOH sa mga faceshields.
Base pa sa monitoring ng DTI Aklan, nabatid na umaabot sa P400-P500 ang halaga ng isang mamahaling face shield habang nasa P35 naman ang pinakamura.