Aklan News
E-cigarrete, vaping product layong i-regulate sa Roxas City
Nais isulong ngayon sa City Council ng Roxas, Capiz ang pag-regulate sa e-cigarretes at vaping product para maiwasan ang pagkakaroon ng sakit na EVALI o “e-cigarette or vaping product use-associated lung injury”.
Ito ang ipinahayag ni Konsehal Cesar Yap, Chairperson ng Committee on Health, sa kanyang privilege speech sa regular session ng konseho.
Nababahala ang lokal na mambabatas at isa ring practicing doctor na umabot na sa Roxas City ang sakit na EVALI na isa umanong “bagong sakit”.
Akala umano ng marami na mainam ito kesa sa sigarilyo pero batay aniya sa ulat ay maaari rin itong ikamatay.
Nitong Oktobre 17 iniulat ng Centers for Disease Control and Prevention sa USA na umabot na sa 33 ang bilang ng mga namatay habang 1,479 ang tinamaan ng sakit at patuloy pang tumataas.
Sinabi ni Dr. Yap na ang pag-vape ay nagdudulot ng popcorn lung disease, pagkawala ng gana sa seks, flu at iba pang mga respiratory illness.
Kaugnay rito ipinanukala ng konsehal na magkaroon ng ordinansa na magri-regulate sa pag-vape sa mga pampublikong lugar.
Posible rin aniyang amyendahan ang anti-smoking ordinance ng lungsod para paigtingin pa ang batas na ito.
(photo: Reuters)