Aklan News
EKONOMIYA SA BAYAN NG MALAY, INAASAHANG MAKAKABAWI DAHIL SA MULING PAGSIGLA NG TURISMO
Inaasahang makakabawi ang ekonomiya ng bayan ng Malay kasabay ng pagsigla ng turismo sa isla ng Boracay at ang pagpayag sa mga turista mula sa isla na mag sidetrip sa mainland Malay.
Ito ay batay sa ipinalabas ng Executive Order No 01-B, Series of 2022 ng LGU Malay nitong Pebrero 22.
Ayon kay Mayor Frolibar Bautista nakita niya umano na fully vaccinated na ang mga turistang pumapasok sa isla ng Boracay kung kaya’t pinayagan nitong mapuntahan din nila ang ibang tourist destination ng kanilang bayan.
Saad pa ng alkalde, maaaring makapasyal sa mainland Malay ang mga turista kahit walang RT-PCR test results.
Malaking bagay din aniya ito upang muling mabuhay ang ekonomiya ng Malay matapos padapain ng pandemya dulot ng COVID-19.
Nais ni Bautista na mabigyan ng pagkakataon ang mga negosyante sa kanilang lugar na magbukas ulit ng kanilang hanapbuhay at unti-unting makabangon.
Dagdag pa nito na ang ilang mga nawalan dati ng trabaho sa industriya ay makakapaghanapbuhay na ulit.
Binigyan-diin naman ng alkalde na kailangan lamang ng mga turista na pumirma ng health declaration form sa Municipal Tourism Office at magpakita ng vaccination card o anumang patunay na sila ay bakunado laban sa COVID-19.
Inaasahan namang mas dadami pa ang bilang nga mga turistang pupunta sa isla ng Boracay sa buwan ng Marso, Abril at Mayo kasunod nang muling pagbubukas ng pinto para sa mga turista mula sa non-visa countries nitong Pebrero 10 ng kasalukuyang taon.